Umabot na sa 1,400 na indibidwal ang na-reach-out ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng programang Oplan Pag-Abot.
Inilunsad nitong Hulyo ang programa ng departamento at kanilang hinihikayat ang mga nasa lansangan o mga naninirahan sa bangketa na magbalik probinsya kasabay ng pagbibigay puhunan para sa kanilang maayos na pamumuhay.
Sinabi ni Social Welfare Assistant Secretary Irene Dumlao, ang mga nare-reach out o naalalayan ng mga social worker sa National Capital Region (NCR) ay kanilang dinadala sa processing center saka binihisan at binibigyan ng pagkain.
Kabilang sa mga natulungan ang 871 na family members at 590 unattached individuals kabilang na ang mga kabataan at mga senior citizen mula sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Target ng DSWD na maiangat ang pamumuhay ng mga Pinoy partikular ang mga mahihirap. | ulat ni Rey Ferrer