Giniit ni Senate Committee on Maritime and Admiralty Zones Chairman Senador Francis Tolentino na hindi na niya kailangang makipagpulong kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. tungkol sa paradigm shift sa usapin ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Tolentino, saklaw na ng ehekutibo, partikular ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang usapin na ito at sila na ang dapat magpaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng bagong taktikang ito.
Sa panig aniya ng pinamumunuan niyang kumite, ang panukalang Philippine Maritime Zones Bill na kanilang binubuo ay maaaring gamiting diplomatic tool sa pagharap ng isyu sa WPS.
Paliwanag ng senador, oras na maisabatas ito ay isusumite ito sa United Nations at kikilalanin na ito ng lahat ng mga state parties ng UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea).
Sa pamamagitan aniya nito ay mas titibay ang claim ng ating bansa sa WPS.
Target ng kumite ni Tolentino na maaprubahan ang Philippine Maritime Zones Bill sa Enero 2024.| ulat ni Nimfa Asuncion