Mas mapapalakas ng bansa ang food security nito oras na maitatag na ang Department of Water Resources.
Ito ang sinabi ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee matapos mapagtibay ng Kamara ang House Bill No. 9663 o National Water Resources Act.
Natutuwa aniya siya na malapit na ang pagsakatuparan sa mithiin na magkaroon ng isang ahensya na mamamahala sa access sa ligtas, sapat at abot-kayang patubig.
Sa paraang ito aniya ay mas mapapamahalaan ang paggamit sa water resources lalo na sa gitna ng climate change na higit na kailangan ngayon ng isang bansang umuunlad at agrikuktural gaya ng Pilipinas.
Mismong ang United Nations (UN) na rin aniya ang nagsabi na ang tubig ay susi natin sa food security.
“Isa po ang panukalang batas na ito sa isinusulong natin na long-term solution para tugunan ang nakababahalang epekto ng El Niño. Kailangan ng tubig ng mga pananim at alagang hayop upang maging masigla at lumaki nang maayos kaya po ang kaayusan ng sektor ng agrikultura ay nakasalalay sa sapat na supply ng tubig,” sabi ni Lee. | ulat ni Kathleen Jean Forbes