Muling iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri na panahon nang taasan ang sweldo ng mga nurse sa Pilipinas.
Ang pahayag na ito ng Senate President ay matapos ang utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Commission on Higher Education (CHED) na tugunan ang mass exodus ng mga Pinoy nurse palabas ng ating bansa.
Giit ni Zubiri, ang maliit na pasweldo sa mga nurse ang pangunahing dahilan kaya naghahanap sila ng oportunidad sa ibang bansa.
Aniya, ang maliliit na pribadong ospital sa Pilipinas ay nagpapasweldo lang ng mula ₱15,000 hanggang ₱20,000 lang kada buwan.
Bukod dito, overworked rin aniya sila at nagtratrabaho ng higit sa nararapat habang patuloy na nag-aabroad ang kanilang mga kasamahan.
Aminado naman ang senador na hindi sila masisisi sa desisyong ito dahil malayong malayo ang agwat ng sweldo nila dito sa ₱150,000 hanggang ₱200,000 pesos kada buwan na sweldo sa ibang bansa.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH), kulang ang Pilipinas ngayon ng nasa 350,000 nurses.
Kaya naman kung nais aniya nating manatili sila sa Pilipinas ay dapat gawin nating competitive ang kanilang sweldo. | via Nimfa Asuncion
? SP Zubiri/FB