Ipinahayag ni Senador JV Ejercito na mali ang claim ng China na pinangangasiwaan nito sa pamamagitan ng diyalogo at konsultasyon ang isyu sa West Philippine Sea.
Tugon ito ng deputy majority leader sa naging pahayag ng tagapagsalita ng Chinese embassy.
Giit ni Ejercito, ang China ang patuloy na nangha-harass sa operasyon ng Pilipinas sa loob ng ating exclusive economic zone (EEZ), patunay ang paggamit nila ng water cannons sa pagharang ng mga sasakyang pandagat ng mga Pilipino para sa resupply mission.
Kasabay nito, hinikayat ng senador ang China na itigil ang expansionist policies ni Chinese President Xi Jinping para maiwasan ang anumang kaguluhan.
Umaasa ang mambabatas, na kikilalanin ng China ang hatol ng the Hague-based tribunal, na binase sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na nagsasabing walang legal foundation ang nine-dash line claim ng China.
Sa huli, binigyang diin ni Ejercito na ang bottom line ay ang pagrespeto sa soberanya ng Pilipinas.
Makakamit lang aniya ang kapayapaan at maayos na relasyon sa pagitan ng China at Pilipinas kung kikilalanin ng dalawang bansa ang maritime rights ng isa’t isa… Sa kasong ito aniya, na sa Pilipinas ang West Philippine Sea. | ulat ni Nimfa Asuncion