Isinusulong ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na magkaroon ng Senate Inquiry para masilip ang mga programa at proyekto ng pamahalaan sa pagresolba ng lumalalang problema sa trapiko sa Metro Manila at iba pang lungsod sa Pilipinas.
Sa inihaing Senate Resolution 859 ni Villanueva, tinukoy nitong mayroong personal, social, environmental, at economic impact ang traffic congestion.
Binigyang-diin ng majority leader ang babala ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na lalala ang bigat ng daloy ng trapiko ngayong holiday season.
Katunayan, sa datos ng ahensya ay tumaas ng 10 to 20 percent ang traffic volume sa EDSA noong 2022, katumbas ito ng aabot sa 417,000 hanggang 430,000 na mga sasakyang dumadaan sa tinuturing na major thoroughfare ng Metro Manila.
Dagdag pa aniya dito ang pagtaas ng bilang ng mga turista tuwing buwan ng Disyembre.
Pinunto rin ni Villanueva ang pagtaya ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na posibleng umabot ng anim-na-bilyong piso kada araw ang mawawala sa ekonomiya ng bansa pagdating ng taong 2030 dahil sa trapiko.
Dahil dito, sinabi ng mambabatas na kailangang rebyuhin ang mga polisiya, programa at plano ng Department of Transportation (DOTr), MMDA, Department of the Interior and Local Government (DILG) at iba pang ahensya ng gobyerno sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko sa mga lansangan sa bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion