Tatlong araw bago ang Pasko, nagtaas na ang presyo ng ibinebentang lechong baboy sa ilang tindahan sa La Loma sa Quezon City na siyang kilalang Lechon Capital sa bansa.
Sa pag-iikot ng RP1 team sa ilang lechonan, naglalaro na sa ₱500-₱1000 ang itinaas sa presyo ng lechon sa ilang tindahan depende pa sa laki.
Ang dating ₱6,000 na 7-8 kilograms, ngayon ay nasa ₱6,500 na. Ang presyo naman ng 9-10 kilograms na dating ₱9,000, ngayon ay ₱10,000 o higit pa ang presyo.
Mas maliit naman ang taas presyo kung mas malaki ang lechon na bibilhin gaya ng 20 kilograms na mabibili sa ₱18,000.
Ayon sa ilang tindero dito sa La Loma, karaniwan talagang tumataas ang presyo ng lechon habang papalapit ang Pasko at Bagong Taon dahil sa taas din ng demand dito.
Wala namang problema sa suplay dahil nagdagdag ng katay ang ilang magle-lechon.
Marami na rin aniya ang nakapagpareserba na ng order para sa Pasko at Bagong Taon.
Bagamat sa weekend pa aniya nito inaasahan ang pagdagsa ng mga mamimili sa La Loma para sa mga maghahanda ng lechon. | ulat ni Merry Ann Bastasa