Para kay Camarines Sur Representative LRay Villafuerte, ang bagong lagdang ₱5.768-trillion 2024 national budget ay isang pro-poor at pro-growth budget na makakapagpabuti sa buhay ng mga Pilipino at makapagpapa-angat sa ekonomiya ng bansa.
Tinukoy nito na pasok sa 2024 budget ang dinobleng pondo para sa pensyon ng mga mahihirap na senior citizens para mula sa ₱500 ay magiging ₱1000 na ang kanilang monthly pension.
Pinaglaanan din aniya ng pondo ang pinalawak na rice voucher system na tinawag na Bagong Pilipinas Community Assistance and Rice Discount (CARD) upang matulungang bumili ng de-kalidad na bigas ang may pitong milyong mahihirap na Pilipino.
May pondo rin umano para sa pagpapatuloy ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) at sa bagong Ayuda sa Kapos sa Kita Program (AKAP).
Maliban dito ay may suporta din para sa mga magsasaka—₱10-bilyon para sa production input gaya ng binhi at pataba, at ₱60-bilyon para sa irigasyon.
Suportado naman ni Villafuerte ang paggamit ng Kamara sa oversight function upang matiyak na maipatutupad ang mga programa at proyekto ng gobyerno. | ulat ni Merry Ann Bastasa