Pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko, partikular ang mga bakasyonista, na mag-ingat sa pagpo-post ng mga personal na aktibidad sa social media.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief at Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, partikular na dapat iwasan ang ATM o “at the moment” post.
Dapat din aniyang iwasan ang pag-post ng impormasyon ng kanilang ticket sa biyahe o kung ilang araw mawawala sa kanilang mga tahanan.
Paliwanag ni Fajardo, posibleng samantalahin ng mga kriminal ang pagkakataon na wala sa bahay ang kanilang target para pagnakawan.
Samantala, sinabi naman ni Fajardo na sakaling hindi maiwasang iwan ang bahay para magbakasyon, dapat tiyaking nakakandado ang mga pintuan at nakasara ang mga bintana upang hindi makapasok ang mga magnanakaw.
Mainam rin umano ang paggamit ng CCTV cameras sa mga may kakayanan para mabilis na ma-monitor ang mga nangyayari sa iniwang bahay at agad na mai-report at marespondehan ng mga kinauukulan. | ulat ni Leo Sarne