Nagpasalamat ang Naval Forces West (NFW) sa lahat ng sponsor, organisasyon, partner at stakeholder na nakiisa sa matagumpay na paghahatid ng pamasko sa mga tropang naka-deploy sa 9 na outpost ng Pilipinas sa Kalayaan Island Group sa West Philippine Sea.
Ang misyon na isinagawa kasabay ng regular na Rotation Operation at Resupply at maritime patrol mission mula Disyembre 11 hanggang Disyembre 18 ay pinangunahan ng BRP Antonio Luna (FF-150) at BRP Gregorio Del Pilar (PS 15).
Katuwang ng Naval Forces West sa inisyatiba ang ATIN ITO Coalition, The National Youth Movement for the WPS, Rise Against Hunger, Las Piñas Horton Eagles Club, at ilang mga pinansyal na institusyon na naka-base sa Palawan, na kinabibilangan ng PAFCPIC, ACDI, AMSWLAI, and PNSLAI.
Ayon sa NFW, ang matagumpay na misyon ay testamento ng kanilang commitment na panatilihin ang malakas na presensya sa West Philipphine Sea.
Bahagi din ito ng pagsisikap ng Naval Forces West na matiyak ang kaligtasan, seguridad, at maayos na kondisyon ng mga military personnel na naka-istasyon sa West Philippine Sea. | ulat ni Leo Sarne
📷: NFW