Nananatiling prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na labanan ang kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng paglikha mas maraming trabaho.
Ito ang inihayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) makaraang ilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang 16.4% poverty incidence sa unang 6 na buwan ng 2023.
Sa kaniyang panig, sinabi ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan na kanilang tututukan ang paghihikayat ng mga tinatawag na job generating investment mula sa pribadong sektor, pagpapabuti sa buhay ng mga Pilipino at pagtataguyod sa kapakanan ng mga manggagawa.
Kasabay nito, sinabi ng Kalihim na ipagpapatuloy din ng Marcos administration ang pagbalangkas ng mga polisiya upang makalikha ng magandang lugar para sa pamumuhunan, kalakalan at innovation.
Malaking bagay din aniya ang pagkakapasa ng Public-Private Partnership o PPP code upang mapalakas ang investment climate sa bansa na siyang magtitiyak ng mas maraming trabaho na siyang susi upang labanan ang kahirapan. | ulat ni Jaymark Dagala