‘Iwas Paputok’ para sa mga alagang hayop pinanawagan din ng DOH
Hinikayat ng Department of HEALTH (DOH) ang mga fur-parents o mga may alaga ng mga hayop na bigyang prayoridad rin ang kapakanan ang kanilang mga pets na iiwas sa paputok ngayong paparating na pagsalubong ng bagong taon.
Ayon sa DOH, bahagi rin ang pangangalaga sa mga alagang hayop sa pagsuporta sa “Bawat Buhay Mahalaga” na inisyatiba ng kagawaran. Mahalaga umano maunawaan ang stress at anxiety na idinudulot ng paputok sa mga alagang hayop.
Nagbahagi rin ng ilang tips ang DOH para sa mental at physical health ng mga fur-babies sa gaganaping selebrasyon.
Ilan dito ang pag-lalagay sa mga hayop sa loob ng bahay at pagtatakda ng ligtas na lugar para sa kanila, paggamit ng calming wraps para makabawas ng stress, at pagtiyak na updated ang mga ID tags nito sakaling tumakbo dahil sa takot.
Nabanggit din ng kagawaran ang pagiging mahinahon at kalmado ng mga pet owners dahil nakakaapekto din daw ito sa asal ng mga alagang hayop.
Maliban sa DOH, ilang grupo rin ang patuloy na nanawagan para sa kaligtasan ng mga pets sa pagsalubong ng bagong taon.| ulat ni EJ Lazaro