Tinawag na April’s fool joke ni Atty. Ferdinand Topacio ang claim ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na 99% nang solved ang kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Sa Pandesal Forum sa Quezon City, sinabi ni Atty Topacio, palaisipan sa kanila kung ano ang batayan dito ni Remulla.
Ngunit tiniyak niyang hindi ang kanyang kliyente na si Negros Oriental Cong. Arnie Teves ang nahuli ng National Bureau of Investigation.
Katunayan, kausap nya pa ito kagabi sa telepono at sinabing nasa ibang bansa siya.
Kung totoo umanong 99% nang lutas ang kaso paano pa maididiin sa kaso si Congressman Arnie Teves kung 1% na lang pala ang bahagi ni Teves sa kaso.
Dagdag pa nito, kung tunay na hawak na ng awtoridad ang umanoy “main player” sa pagpatay kay Degamo, bakit maghihintay pa daw ng dalawang araw bago ito iharap sa media.
Kabilang sa mga dumalo sa forum ay sina Atty. Rose Erames-Lovely, Negros Oriental-based lawyer ni Cong. Arnie Teves at Atty. Michael Mella.
Nababahala naman si Atty. Michael Mella sa mga pattern ng mga reklamo ng psychological pressure at torture ng mga inaresto sa raids ng CIDG sa mga bahay ng mga Teves.
Umapela ang mga abogado kay DILG Secretary Benhur Abalos na silipin ang involvelent ng mga pulis sa alegasyon ng harrasment at torture.
Dahil sa ginagawang ito ng mga pulis, marami umano sa pamilya at supporters ng mga Teves ang umalis na sa Negros Oriental at lumipat na sa ibang mga probinsya dahil sa takot na madamay sa gulo.
Mayroon namang mga kaanak ang mga Teves na planong magsampa ng kaso sa Commission on Human Rights dahil sa panggigipit nila sa mga ito at pilit na idinadamay sa pagpatay kay Gov. Roel Degamo. | ulat ni Michael Rogas