Nangangailangan ngayon ng mga seasonal farm worker ang South Korea.
Ito ang ibinahagi ni Pampanga 4th district Rep. Anna York Bondoc sa pagbisita ng ilang kongresista sa South Korea sa pangunguna ni Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Aniya, nagkaroon sila ng pulong kasama ang Korean National Assembly upang mapalakas pa ang ugnayan ng Pilipinas at South Korea sa larangan ng negosyo, turismo, climate change at ekonomiya.
Kasama rito ang mahigpit na pangangailangan aniya ng Korea ng fruit at vegetable farmers na magsisilbing taga-ani ng mga tanim.
Mayroon aniyang seasonal workers program ang Korea at maaari aniyang makibahagi dito ang Pilipinas.
Katunayan mayroon na aniyang unang batch ng mga magsasaka mula Pampanga ang nakarating sa Korea at sakaling maging maayos ang takbo nito ay hihingi pa ng dagdag na mga magsasaka ang naturang bansa.
“Kulang po talaga yung farm workers nila. They are really looking for seasonal farm workers. And siyempre pinromote ko ang Pampanga as one of the sources of seasonal farm workers. The farms are fruit farms; apples, tomatoes, cucumbers. What they told me is, the farmers themselves are demanding for the farm workers.” pagbabahagi ni Bondoc. | ulat ni Kathleen Jean Forbes