Ipinapanukala ni Senador JV Ejercito ang pagkakaroon ng Magna Carta of Tricycle Driver and Operators na magsasabatas sa pagprotekta sa kapakanan ng tricycle drivers sa bansa.
Sa paghahain ng Senate Bill 2494, ipinunto ni Ejercito na ang mga tricycle ay itinuturing na pangunahin at mahalagang uri ng transportasyon sa bawat barangay, munisipalidad o lungsod sa Pilipinas.
Sa kabila nito, ay sari-saring isyu sa naturang sektor ang patuloy pa ring namamayani, gaya ng illegal fees, iligal na pagbebenta ng tricycle franchise, pamamahagi ng permit, hindi magandang working condition ng mga tricycle driver at hindi maayos na maintenance ng mga tricycle.
Ang mga isyung ito ang layong tugunan ng panukala.
Sa ilalim nito ay bibigyang awtoridad ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), mga siyudad at munisipalidad na magbigay ng Motorized Tricycle Operator’s Permit (MTOP) o ang permit para makapag-operate ng tricycle.
Bago makapagbigay ng MTOP, ang concerned LGU ay kinakailangan munang magsumite ng tricycle operation plan kung saan kabialng ang ruta at tricycle zones, pagtatalaga ng mga terminal at maximum number ng mga tricycle na mag-ooperate sa kanilang hurisdiksyon, saka ipapaapruba sa DOTr ang naturang plano.
Itinatakda rin ng panukala ang malinaw na papel ng LGU sa pagresolba sa mga iligal o kolorum na tricycle units.
Ilalatag rin ng panukalang ito ang karapatan at benepisyo ng mga manggagawa sa tricycle sector, gaya ng mandatory membership sa SSS, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), life at accident insurance, at legal assistance. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion