Tinatayang aabot sa 170,189 ang kabuuang bilang ng mga taong gumamit o dumaan sa buong magdamag sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) para humabol na makauwi sa kanilang mga mahal sa buhay dalawang araw bago ang bisperas ng bagong taon.
Ito ay ayon sa inilabas na bilang ni PITX corporate affairs officer Kolyn Calbasa.
Sa mga inilabas na bilang ng PITX, ito na ang pangatlong pinakamataas na bilang ng mga biyahero na kanilang naitatala para sa holiday season magmula noong December 15.
Sa kasalukuyan, nanatili pa rin sa 204,647 ang pinakamataas ng naitalang bilang ng terminal noong Disyembre 23.
Samantala, sa kabila rin ng mga paalala ng PITX, ilang ipinagbabawal na gamit ang patuloy na nakukumpiska tulad ng mga kutsilyo, cutter, paputok, gunting, butane, at mga super kalan.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang pagdating ng mga pasahero sa terminal na aabot na sa higit 34,000 as of 10am ngayong araw. | ulat ni EJ Lazaro