Binigyang papuri ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary at isa sa mga co-chairperson ng Intergovernmental Relations Body (IGRB) Amenah Pangandaman ang ginawang pag-recruit ng Philippine National Police (PNP) ng halos 300 dating miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sa pahayag ni Pangandaman, sinabi nitong malaking hakbang ang pangyayaring ito para sa pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao. Dagdag pang sinabi nito na ang dating magkalaban, magkakampi na ngayon.
Kinilala rin nina BARMM Minister Mohagher Iqbal at Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito G. Galvez Jr. ang hakbang na ito na nagpapakita umano ng progreso sa Bangsamoro peace process.
Habang nakikita ni Deputy Senior Minister Abdullah Cusain na ang hakbang na ito ng PNP ay bunga ng peace process at nagbubukas ng bagong daan para sa progreso at pag-unlad.
Samantala, binigyang-diin ni Pangandaman ang inclusivity sa recuitment ng PNP, kung saan 39 sa 294 na rekrut ay mga kababaihan.
Ang 294 former MILF at MNLF recruits ay bahagi ng second batch ng mga bagong miyembro ng PNP na pumasa sa NAPOLCOM Special Qualifying Eligibility (NSQE) at dumaan sa masusing screening kabilang ang physical at psychological examinations.| ulat ni EJ Lazaro