Maliban sa kabi-kabilang meeting sa loob ng Palasyo at mga aktibidad sa labas ng Malacañan araw-araw ay humaharap sa napakaraming paper works si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa kwento ng Pangulo sa kanyang latest vlog, inihayag ng Presidente na nasa 50 hanggang 100 mga dokumento ang kanyang nilalagdaan.
Hindi ang pagpirma sabi ng Pangulo ang mabigat sa katakot-takot na paper works na kanyang hinaharap araw-araw kundi ang dapat basahing mga dokumento bago ito lagdaan.
Lahat aniya ng mga papeles na nasa kanyang mesa ay kailangang pag-aralang mabuti at pag-isipang mabuti bago pagdesisyunan.
Mabuti na lamang ayon kay Pangulong Marcos ay mahilig siyang magbasa kaya’t nakatulong ito para mabilis niyang nagagawa ang paglagda sa mga kailangang dokumento. | ulat ni Alvin Baltazar