Naniniwala si Senate Minority Leader Koko Pimentel na maituturing na hindi pa hinog ang PUV Modernization Program dahil mismong ang gobyerno ay hindi pa handa sa sistema nito.
Sinabi ito ni Pimentel kasabay ng panawagan sa pamahalaan na suspendihin muna ang pagpapatupad ng programa hangga’t hindi napaplantsa ang lahat ng kinakailangang gawin.
Ayon sa senador, maliit pa rin na porsyento ng mga jeepney drivers at operators ang tumugon sa consolidation ng prangkisa bukod pa sa hindi pa rin naisasaayos route rationalization plan ng mga local government units.
Sinang-ayunan din ng mambabatas ang pahayag ng Ibon Foundation na posibleng tumaas ang pamasahe sa jeepney sa sandaling ipatupad na nang isandaang porsyento ang programa dahil kinakailangang bawiin ng mga operator ang kanilang pambayad sa sasakyan.
Hindi pa aniya kasama dito ang pagkunsidera sa posibleng paggalaw ng presyo ng produktong petrolyo sa merkado.
Sa huli, iginiit ni Pimentel na dahil may mga nakahain ng petisyon sa Korte Suprema laban sa programa ay mabuting hintayin na rin ang desisyon tungkol dito.| ulat ni Nimfa Asuncion