Pinagpapaliwanag ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Energy (DOE) sa pagkakaantala ng pagsusumite sa kongreso ng bagong roadmap para sa sektor ng enerhiya.
Pinunto ni Gatchalian na tuwing September 15 ng bawat taon ay dapat nagsusumite ang DOE sa kongreso ng updated energy roadmap, alinsunod na itinatakda ng RA 9136 o ang Power Industry Reform Act (EPIRA).
Dahil tatlong buwan nang mahigit overdue ang submission ng DOE, sinabi ng senador na dapat nang agad na tumugon ang ahensya.
Pinaliwanag ng mambabatas na importante ang dokumentong ito para maisulong nang husto ang sapat at malinis na suplay ng enerhiya sa bansa.
Ang Philippine Energy Plan (PEP) ng bansa ay naglalayong pataasin ang paggamit ng renewable energy (RE) sa bansa.
Ito aniya ang magiging pundasyon para sa pagkamit ng mas malinis na enerhiya, pagtataguyod ng ekonomiya, at pagpapahusay ng kapakanan ng ating mga kababayan.
Sa kasalukuyan, target ng Pilipinas na umabot sa 35 percent ang paggamit ng bansa ng renewable energy pagdating ng taong 2030 at 50 percent pagdating ng 2040.| ulat ni Nimfa Asuncion