Bubuo ng isang recognition system ang Department of the Interior and Local Government (DILG) para subaybayan, susuriin, at bigyan ng parangal ang mga pinakamalinis na barangay sa bansa.
Ang hakbang ng DILG ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Pinangunahan kahapon ni DILG Secretary Benhur Abalos ang nationwide simultaneous launching ng Kalinga at Inisyatiba para sa Malinis na Bayan o KALINISAN Project sa Baseco Compound sa Maynila.
Ang KALINISAN Project ay ang bagong convergence initiative ng ahensya upang mapanatili at magbigay ng isang malusog at ligtas na kapaligiran.
Sa pamamagitan din nito ay gagana ang partisipasyon ng komunidad na nakaangkla sa diwa ng Bayanihan.
Hinimok ni Abalos ang mga local government na mamuhunan sa mga programa, proyekto, at aktibidad sa solid waste management at ecological practices.
Panawagan din niya sa mga local official na magpasa ng mga ordinansa na nagpapataw ng parusa sa community service sa mga mahuling nagkakalat o nagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar. | ulat ni Rey Ferrer