Handa na para sa paparating na Traslacion sa Martes ang itinayong field hospital ng Manila City LGU para sa mga deboto ng Poong Itim na Nazareno kung sakaling mangangailangan ang mga ito ng agarang atensyong medikal.
Kahapon, ininspeksyon ni Manila City Mayor Honey Lacuna ang itinayong field hospital sa Karilya sa likod ng Bonifacio Shrine sa tabi ng Manila City Hall.
Laman nito ang 30 hospital beds at ICU beds kung sakaling may mga pasyenteng mangangailangan.
May nakahanda ring isolation para sa mga pasyenteng makikitaan ng sintomas ng COVID-19 pero panawagan ng Punong lungsod ay kung may nararamdamang kakaiba ay huwag na lamang pumunta at sa halip ay manood sa live stream sa internet.
Maliban dito, may mga naka-standby din na Incident Command Post ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at live na rin ang mga CCTV monitor sa mga rutang dadaanan ng andas.
Samantala, may 12,000 pulis ding tutulong para sa peace and security kaya naman pinaalalalahan ang lahat sa mga ipinagbabawal na kagamitan.
Mahigpit na ipatutupad ang gun ban, liquor ban, at pagdadala ng mga backpack sa mga lugar na nasasakupan ng Traslacion sa Enero 9.
Gayundin ang pagbabawal sa mga nakainom, nakasombrero, pagdadala ng paputok, mga matutulis na bagay, at payong na posibleng makadisgrasya sa kapwa deboto. | ulat ni EJ Lazaro