Nasa 155 mga dagdag na Immigration Officers ang idineploy ng Bureau of Immigration ngayong panahon ng Kuwaresma.
Sa Laging Handa Public briefing, sinabi ni Immigration Spokesperson Danna Sandoval na bukod sa 155 additional personnel ay may 36 na nagsipagtapos sa Philippine Immigration Academy na itinalaga na din sa ibat-ibang mga paliparan.
Ang additional deployment sabi ni Sandoval ay magsisilbing dagdag puwersa para mapagserbisyuhan ang mga kababayan aalis at babalik ng bansa ngayong Holy week.
Inihayag ni Sandoval na ‘all hands on deck’ ang BI ngayong panahon ng Semana Santa sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa ibat-ibang paliparan ng bansa.
Idinagdag ni Sandoval na makakatulong din sa mga pasahero ang kanilang ipinost sa social media na Immigration traffic updates.
Sa pamamagitan nito ay malalaman aniya ng mga bumibiyahe ang congestion sa immigration area at makita kung mahaba o hindi ang pila dito. | ulat ni Alvin Baltazar