Tiniyak ng Department of National Defense (DND) na ikukunsidera ng pamahalaan ang lahat ng opsyon sa isasagawang reporma sa pensyon ng military at uniformed personnel (MUP).
Sa isang pahayag, siniguro ni DND Officer in Charge, Sr. Undersecretary Carlito Galvez Jr. na palaging pangangalagaan ng pamahalaan ang kapakanan at kabuhayan ng mga miyembro ng unipormadong hanay.
Nanawagan naman ang kalihim ng pang-unawa habang pinag-aaralan ang mga isinusulong na reporma sa MUP pension system.
Nagsasagawa din aniya ng aktibong konsultasyon sa mga aktibo at retiradong tauhan ng militar kaugnay nito.
Maging aniya ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay naghahanap din ng “creative solutions” para patuloy na maibigay ang mga benepisyo sa mga dating nag-serbisyo habang umaagapay sa post-pandemic recovery ang bansa.
Sa kasalukuyang sistema, sumasabay ang pensyon ng mga retiradong MUP sa pagtaas ng sahod ng mga aktibo sa serbisyo, na pinopondohan ng pambansang budget. | ulat ni Leo Sarne