Umabot sa 160 trucks na puno ng basura ang nalinis ng Department of Public Services ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa nangyaring Traslacion ng Poong Jesus Nazareno kahapon.
Ito ang iniulat ng pamahalaang lungsod sa ginawang paglilinis ng mga street sweeper matapos ang Traslacion kagabi.
Ang naturang mga basura ay iniwan ng mga deboto na nagtungo sa Quirino Grandstand, sa mga ruta ng Traslacion at hanggang sa Simbahan ng Quiapo.
Ang dami ng basura ay sinasabing mas mataas pa kesa sa mga nahakot noong Enero 2020 na Traslacion bago ang pandemic.
Dahil sa 160 trucks ng basura, pumalo sa 486 metric tons ng basura ang iniwan ng mga deboto.
Iniuugnay ng Lungsod ng Maynila ang paglobo ng basurang nakalap dahil sa aktwal na Traslacion mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church na siyang dinaluhan ng 6.5 milyong debotong Katoliko na mas mataas sa inaasahang dalawang milyon. | ulat ni Michael Rogas