Nagpahayag ng buong suporta ang Metro Manila mayors sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing Program (4PH) ng pamahalaan.
Sa isang joint press conference ngayong araw, sinabi ni Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora na bilang alkalde ay pangarap niyang mailipat sa marangal at disenteng pabahay ang lahat ng informal settler families sa kaniyang lungsod.
Ayon kay Zamora, maraming options na maaaring gawin ang mga lokal na pamahalaan para sa staging area ng 4PH program gaya ng government-owned properties at private-owned properties na tinaguriang idle land o bakanteng lote.
Maaari aniyang magbigay ng insentibo ang mga lokal na pamahalaan para doon muna itayo ang staging area o pansamantalang lilipatan ng mga benepisyaryo, bago sila tuluyang dalhin sa pabahay project ng pamahalaan.
Paliwanag pa ni Zamora, kadalasan na nagiging problema ng LGU sa paglilipat ng kanilang mga residente ay resistance dahil napapalayo sila sa kanilang tirahan.
Kaya naman napakagandang plano aniya ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang pagkakaroon ng staging area malapit sa relocation site. | ulat ni Diane Lear