Iminungkahi ni Sta. Rosa City Representative Dan Fernandez sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na makipagkasundo sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan, na sa mga modern jeep na ilagay ang kanilang mga advertisement.
Sa pagtalakay ng House Committee on Transportation sa napaulat na problema at anomalya sa PUV Modernization, sinabi ni Fernandez na sa paraang ito ay kikita ang kooperatiba at mababawasan ang halaga ng amortization na kailangan bayaran para sa biniling modern jeep.
Maaari aniyang ang mga ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Tourism at Department of Environment and Natural Resources ay sa modern jeeps na magpaskil ng advertisement imbes na sa third-party service.
Pagsiguro naman ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz, na kanilang ilalapit ito sa Department of Transportation.
Sa kaparehong pagdinig, kinumpirma ng LTFRB na para mabayaran ang bagong jeep ay kailangan silang kumita ng P7,000 kada araw.
Dahil dito, ipinunto naman ni 1-Rider Party-list Rep. Bonifacion Bosita ang taumbayan ang sasalo ng bayaring ito, dahil ipapasa ito sa kanilang pasahe.
“Syempre, mas malaki ang amount, mas malaki ang babalikatin ng taumbayan. Why taumbayan? Wala namang pambayad yung mga drivers. Saan nila kukunin yung pambayad? Sa mga commuter. So, taumbayan ang babalikat nito” sabi ni Bosita.
Sa pagtaya ni Bosita aaabot sa P30 hanggang P40 ang magiging pasahe sa isang modern jeep. | ulat ni Kathleen Forbes