Tinitingnan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Manila Arson Team na faulty electrical wiring ang naging sanhi ng pagkasunog ng M/V Lady Mary Joy 3 ng Aleson Shipping Lines sa karagatan ng Baluk-Baluk Island sa probinsya ng Basilan.
Ayon kay Basilan BFP Chief Sr. Supt. Kadil Acalul, bahagya na nilang itinigil ang kanilang imbestigasyon sa nasunog na passenger vessel.
Aniya itinuturo ng BFP Manila Arson Team sa initial findings nito na faulty electrical wiring o tinaguriang “electrical in nature” o short circuit ang sanhi ng pagkasunong ng naturang barko.
Samantala dagdag ni Acalul, makukumpirma lamang ito kung matatapos na ang isinasagawang pagsusuri sa mga ebidensyang nakuha mula sa barko na kasalukuyang nakadaong sa munisipalidad ng Hji, Muhtahmad.
Aniya, tinatayang nasa mahigit kumulang P100-M ang halaga ng mga natupok sa nangyaring insidente.
Ayon naman kay Basilan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Nickson Alonzo, itinigil na ang search operation simula ngayong araw, Abril 3.
Pinagpaplanuhan naman ng Aleson Shipping Lines na hakutin ang barko pabalik sa Zamboanga City ngayong bahagya nang patapos ang imbestigasyon.
Matatandaan, nasa 28 ang bilang ng mga binawian ng buhay na na-recover mula sa dagat at sa loob ng passenger vessel sa isinagawang search and rescue operations.
Dagdag pa ni Alonzo, tinatayang nasa 31 pa ang bilang ng mga nawawalang biktima base sa kanilang pakikipag-ugnayan sa PDRRMO ng Sulu at mga myembro ng pamilya ng mga pasahero.
Kabilang din sa mga nawawala ang dalawang sundalo na kinilalang sina SSgt Androw Cerbatos at PFC Marion Malda. | ulat ni Justin Bulanon | RP1 Zamboanga