Inanunsyo ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na matagumpay nitong natapos ang rehabilitasyon ng Rectifier Sub-Station 5 at 6.
Ayon sa LRTA, ang naturang pag-upgrade sa power rectifier ay makatutulong na mapataas ang train speed ng 40km/h hanggang 60km/h mula Cubao Station hanggang Santolan Station.
Bukod dito, makatutulong din itong matiyak ang supply ng kuryente sa mga tren at istasyon ng LRT-2 para sa mas maginhawang biyahe ng mga pasahero.
Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang apat na araw na testing at commissioning phase ng LRTA na inaasahang matatapos hanggang sa Lunes upang masigurado ang maayos na integration ng naturang power system.
Humingi naman ang LRTA ng pasensya at pang-unawa sa mga pasahero habang ipinatutupad ang mga upgrade sa linya ng tren.
Matatandaang nagkaroon ng aberya sa operasyon ng LRT-2 kahapon dahil sa problema sa integration ng bagong power system.| ulat ni Diane Lear