Nakatakdang mag-ikot ngayong araw ang mga opisyal ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa San Juan City river sa Barangay Batis.
Ito’y para matukoy ang saklaw ng proyekto ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na “Neighborhood Upgrading” gayundin ang pagpapaganda sa tabi ng San Juan River.
Inaasahang mangunguna sa gagawing inspeksyon si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. at Departement of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Acuzar.
Sasamahan naman sila nila MMDA Acting Chairperson, Atty. Don Artes gayundin ni Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora.
Layon ng programang Neighborhood Upgrading project ng MMDA na linisin ang mga daluyan ng tubig katuwang ang mga Lokal na Pamahalaan na konektado sa Ilog Pasig upang maiwasan ang matinding pagbaha sa panahon ng tag-ulan.
Ang iinspeksyuning lugar ay ang abandonadong El Polvorin Linear Park ng dating Pasig River Rehabilitation Commission na balak buhayin ngayon sa ilalim ng bagong programa.
Nagpapasalamat naman si Mayor Zamora sa MMDA dahil sa Adopt-a-Park program nito ay muling binuhay ang nasabing pook na kumikilala sa naging kabayanihan ng mga bayaning nagbuwis ng buhay laban sa pananakop ng Espaniya. | ulat ni Jaymark Dagala