Handa na ang mga tauhan gayundin ang mga kagamitan ng Philippine Red Cross (PRC) para umalalay sa mga awtoridad kaugnay ng isang buwang pagdiriwang ng Sinulog Festival sa Cebu.
Ayon kay PRC Chairperson at dating Senador Richard Gordon, aabot sa 200 tauhan nila ang ipinakalat buhat sa kanilang chapter sa Cebu, Lapu-Lapu, at Cordova kabilang ang mga Emergeny Medical Service para magsilbing foot patrollers.
Kasama rin dito ani Gordon ang kanilang standby teams mula sa Water Search and Rescue, Medical Corps, in-house doctors, at welfare teams para sa pagbibigay ng first-aid sakaling kailanganin.
Samantala, inabisuhan naman ni PRC Secretary General, Dr. Gwendolyn Pang ang publiko na gawin ang ibayong pag-iingat sa kanilang pakikilahok.
Hinikayat din nito ang mga makikilahok sa mga aktibidad kaugnay ng Sinulog na ugaliing bumisita sa kanilang mga social media platforms para sa mga abiso at paalala sa pagdiriwang. | ulat ni Jaymark Dagala