Nananatiling mababa ang presyo ng gulay partikular na ang mga highland vegetables sa Kalentong Market sa Mandaluyong City na buhat pa sa Benguet at Ifugao.
Gayunman, dumaraing na ang mga nagtitinda dahil napakatumal ang bentahan ng itinitinda nilang gulay sa kabila ng napakaraming suplay nito.
Sa pag-iikot ng Radyo PIlipinas, ibinahagi ng mga nagtitinda na kung dati ay nakaka-ubos sila ng isang araw, ngayon naman ay suwerte na kung mangalahati ang kanilang nauubos na paninda.
Wala naman silang magawa kundi itapon ang ilan sa kanilang mga paninda dahil sa nasisira na ang mga ito.
Kabilang sa mga maraming suplay ay ang repolyo at sayote na nagkakahalaga ng ₱35 kada kilo; Pechay na nasa ₱50 kada kilo; Cauliflower at Brocoli na kapwa nasa ₱100 ang kada kilo.
Ayon pa sa mga nagtitinda, nasa hanggang ₱5 na ang ibinagsak ng kanilang mga panindang gulay lalo’t may bumibili man ay tumatawad pa. | ulat ni Jaymark Dagala