Tiniyak ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang sapat na power suplay sa buong linya ng LRT line 2 kaya’t asahan na ang magandang takbo ng mga tren nito.
Ayon sa LRTA, ito’y matapos ang isinagawang rehabilitasyon sa Rectifier Substations 5 at 6 na napinsala ng sunog noong 2019.
Kasabay nito, inihayag ng LRTA na nagsagawa sila ng 4-day testing at commissioning activity nitong weekend na inaasahan namang matatapos ngayong araw.
Bahagi ng testing at commissioning process ay ang pagbaba ng mga tren sa depot tuwing gabi para magsagawa ng maintenance na hindi naisagawa ng LRT-2 simula noong 2020.
Nabatid na lubhang napakahalaga ang naturang proseso upang tiyaking maayos na gumagana ang bagong gawang power system.
Magugunitang pumalya ang power rectifier ng LRT-2 noong Biyernes, dahilan upang maantala ang operasyon nito at daan-daang pasahero ang naapektuhan. | ulat ni Jaymark Dagala