Nanawagan si House Committee on Labor and Employment Chair Fidel Nograles sa pamahalaan na maglatag ng iba pang alternative working scheme.
Ito ay sa gitna ng pagbaba ng labor force participation.
Batay kasi sa ulat ng Philippine Statistics Authority, mula sa 67.5% ay bumaba sa 65.9 percent ang labor force participation noong November 2022.
Ang naturang pagbaba ay dulot ng mas kakaunting kababaihan at mas nakababatang empleyado bunsod na rin ng obligasyon sa pamilya, pag-aaral at edad.
Suportado rin ni Nograles ang panawagan ni NEDA Sec. Arsenio Baliscan na palawakin ang digital economy kabilang ang digitalization ng Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs).
Sinabi naman ng Rizal solon na magandang balita ang pagbaba ng unemployment rate sa 3.6%.
Patunay aniya ito na matagumpay ang recovery efforts ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa sektor ng empleyo matapos tumama ang COVID-19 pandemic.
“The 3.6 percent unemployment rate indicates that the government is on the right track in providing jobs to our people as we recover from the losses caused by the pandemic,” ani Nograles. | ulat ni Kathleen Jean Forbes