Hinimok ng pribadong sektor at ilang ekonomista si Finance Secretary Ralph Recto na pagtuunan ng pansin ang tax reform at progressive taxes upang tumaas ang revenue collection ng gobyerno.
Ayon sa American Chamber of Commerce of the Philippines, ang pangunahing alalahanin ngayon ng mga investor ay resolbahin ng DOF ang pagsunod sa tax laws.
Sinabi ng AmCham na kailangang maibsan ang pasanin ng taxpayers sa pagbabayad ng buwis.
Ayon naman kay Leonardo Lanzona, ekonomista ng Ateneo de Manila University, isa sa malaking hamon na kahaharapin ni Recto sa ngayon ay ang mataas na utang ng Pilipinas na siyang pinalala pa ng mataas na interest rate.
Sa ngayon, tinatayang nasa P14.5 trillion ang utang ng bansa na maaari pang tumaas kapag umakyat ang interest rate.
Ayon kay Lanzona, trabaho ng bagong kalihim na makapag-generate ng tax revenues upang makabayad ng utang.
Ayon naman sa IBON Foundation, ang mahusay na istratehiya ay itaas ang koleksyon mula sa progressive tax system mula sa mga high income companies at mayayamang taxpayers.
Sa panig naman ng ekonomista mula sa University of the Philippines, mainam na paghusayin ang tax collection at sugpuin ang korapsyon. | ulat ni Melany Valdoz- Reyes