Inanunsiyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na madadagdagan pa ang bilang ng mga ferry boat at istasyon ng Pasig River Ferry Service.
Ginawa ni MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes ang pahayag kasabay ng isinagawang Pasig River Ferry tour simula Guadalupe Station hanggang Escolta Station, sa pangunguna ni Artes at Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr.
Bahagi ito ng pag-inspeksyon sa Ilog Pasig para sa isasagawang Pasig River Urban Development Project, na layong maibalik ang kagandahan at sigla ng nasabing ilog alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Artes, magbubukas ng mga bagong istasyon sa Intramuros, Bridgetowne sa Pasig, Marikina, at rehabilitasyon ng PUP station sa Sta. Mesa para dumami pa ang maserbisyuhan na mga pasahero.
Ibinahagi rin ni Artes ang planong pagpapalawak sa Pasig River Ferry ng Department of Transportation sa Laguna de Bay at Manila Bay na kasalukuyan nang pinag-aaralan.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang libreng sakay ng Pasig River Ferry Service sa 13 mga istasyon nito sa Metro Manila. | ulat ni Diane Lear