Nagpasalamat ang Department of Education (DepEd) sa kooperasyon at commitment ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig at Makati kaugnay sa maayos na paglilipat ng 14 na mga paaralan sa ’embo’ barangays alinsunod sa kautusan ng Korte Suprema.
Kasunod ito ng nilagdaang Memorandum of Agreement nina Vice President at Education Secretary Sara Duterte, Taguig City Mayor Lani Cayetano, at Makati City Mayor Abby Binay patungkol sa full transition ng 14 na mga pampublikong paaralan mula sa Lungsod ng Makati patungo sa Lungsod ng Taguig simula January 1, 2024.
Ayon sa DepEd sa ilalim ng naturang kasunduan, ang Schools-Division Office ng Taguig-Pateros na ang mamamahala at magpapatakbo sa 14 na mga paaralan sa ’embo’ barangays.
Bagamat sinabi ng DepEd na may ilang issue at apela pang inaayos, ito ay iniiwan na nila sa mga kinauukulang awtoridad kasabay ng pagtitiyak na hindi maaantala ang edukasyon ng mga mag-aaral sa 14 na mga apektadong paaralan.
Kaugnay nito ay nagpasalamat din ang DepEd kay Regional Director Gilbert Sadsad at ang lahat ng miyembro ng transition committee sa kanilang pagtitiyaga at pagsisikap sa buong proseso. | ulat ni Diane Lear