Limang alkalde ang magkakahanay bilang top performing National Capital Region (NCR) city mayors, batay yan sa independent at non-commissioned survey ng RP-Mission and Development Foundation Inc. (RPMD).
Batay sa inilabas nitong 2023 Annual Report, kinilalang pinakamahuhusay sina Quezon City Mayor Joy Belmonte na may 91.2% rating; Malabon Mayor Jeannie Sandoval na nakakuha ng 90.5%; Navotas Mayor Johnrey Tiangco na nasa 90.3% ang performance rating; Caloocan Mayor Along Malapitan na may 90.2%, at Parañaque City Mayor Eric Olivarez na may 90% rating.
Magkahanay naman sa Top 2 sina Pasig Mayor Vico Sotto (89.7%) at Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano (89.5%).
Nasa Top 3 naman si Makati Mayor Abigail Binay (88.3%), ikaapat na pwesto si Mandaluyong Mayor Ben Abalos Sr. (87.1%), habang nasa ika-limang pwesto si Manila Mayor Honey Lacuna (85.6%) at Valenzuela Mayor Wes Gatchalian (85.5%).
Ayon sa RPMD, nakapaloob sa “Boses ng Bayan” Annual Report 2023 ang in-depth review sa naging serbisyo ng mga alkalde sa nakalipas na taon.
Hindi lang ito nakatutok sa kanilang administrative capabilities kundi maging sa maagap na pagtugon sa pangangailangan ng kanilang komunidad at dedikasyon sa pagtutulak ng sustainable urban growth.
“The performance of the NCR mayors in 2023 is indicative of their strong leadership and their ability to respond to the dynamic needs of their communities effectively,” ani Dr. Martinez.
Isinagawa ang nationwide “Boses ng Bayan” survey, mula December 27, 2023, hanggang January 5, 2024, sa 10,000 adult participants. | ulat ni Merry Ann Bastasa