Tina-target ng Department of Agriculture (DA) na magtayo ng karagdagang cold storage facilities para matugunan ang kadalasang hamon ng overproduction at post-harvest losses.
Ayon kay DA Spokesperson Arnel de Mesa, isa ito sa prayoridad ni Agriculture Secretary Francisco Laurel Jr. ngayong 2024.
Aniya, may ilalaang isang bilyong pisong budget ang DA para sa network ng chilled cold storage systems na pag-iimbakan ng mga agricultural commodities gaya ng gulay.
Kabilang sa ikinukonsidera ang La Union o Benguet, Taguig sa Metro Manila, lalawigan ng Quezon, at sa Mindoro.
Ayon kay Asec. De Mesa, oras na makumpleto ang mga ito, makatutulong na ang gobyerno sa logistics at maayos na distribution system ng mga aning gulay.
Una na ring nag-inspeksyon si Agriculture Sec. Laurel sa Food Terminal Incorporated (FTI) sa Taguig City bilang bahagi ng kanyang plano na pag-iinstall ng karagdagang cold storage facilities para sa high-value produce at iba pang pananim. | ulat ni Merry Ann Bastasa