Magde-deploy ang Philippine Red Cross (PRC) ng Volunteer Emergency Response Vehicles sa 13 chapter nito sa Mindanao.
Ito ay sa pakikipagtulungan sa International Committee of the Red Cross (ICRC) at bahagi ng hakbang sa modernization ng PRC.
Ayon kay PRC Chairperson at CEO Richard Gordon, in-upgrade ang mga Emergency Response Vehicle ng PRC National Headquarters at nilagyan ng Public Address System, Early Warning Light, Blinker, GPS na nakakonekta sa kanilang Operations Center, at maliit na megaphone na magagamit para sa emergency response.
Malaking tulong din aniya ang nasabing Emergency Response Vehicles upang maabot ang mga malalayong komunidad para sa mga isasagawang health caravans, immunization initiatives gaya ng pagbabakuna laban sa COVID-19, blood donation drive, at iba pang programa ng PRC.
Kabilang naman sa mga PRC Mindanao Chapter na makatatanggap ng Volunteer Emergency Response Vehicles ang Agusan del Norte, Bukidnon, Cotabato City, Davao City, Davao del Sur, Gingoog City, Iligan City, Lanao del Sur, Sultan Kudarat, Sulu, Surigao del Norte, Tawi-Tawi, at Zamboanga City. | ulat ni Diane Lear