Narekober ng pinagsanib na pwersa ng militar at pulis ang mga malalakas na armas at kagamitan ng New People’s Army (NPA) kasunod ng engkwentro kahapon, Enero 15, sa Sitio Martesan, Barangay Cambayobo, Calatrava, Negros Occidental.
Naganap ang engkwentro matapos rumesponde ang militar at pulis sa ulat ng mga residente tungkol sa presensya ng mga teroristang komunista sa kanilang komunidad.
Dito’y nakasagupa ng mga tropa ng 79th Infantry (Masaligan) Battalion ng Philippine Army at 1st Negros Occidental Provincial Mobile Force Company ng Philippine National Police ang tinatayang 8 teroristang komunista.
Ang mga ito ay pinaniniwalaang nalalabing miyembro ng nabuwag na Northern Negros Front (NNF), Komiteng Rehiyon – Negros Cebu Bohol Siquijor (KR-NCBS), na responsable sa pagpatay sa isang negosyante sa bayan ng Toboso kamakailan.
Narekober ng mga tropa sa encounter site ang isang cal.30 Garand rifle; isang Carbine rifle; isang cal.38 revolver; mga magasin at bala; handheld radio; pagkain at gamot; mga personal na gamit; at mga subersibong dokumento.
Pinuri ni 3ID Commander Major General Marion R. Sison ang pagtutulungan ng mga tropa at mga mamayan ng Calatrava sa matagumpay na operasyon. | ulat ni Leo Sarne
📷: 3ID