Ipinaabot ng mga opisyal ng isang kilalang mall ang kanilang plano na makipagtulungan sa Department of Education para mabigyan ng pagkakataon na magkatrabaho ang mga K-12 graduate sa kanilang mga establisyimento.
Ito ang napag-usapan sa courtesy call ni SM Supermalls Assistant Vice President Hanna Carinna Sy kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo.
Ikinalugod naman ni VP Sara ang balitang ito at inanyayahan din ang naturang mall na makiisa sa ginagawang review sa K-12 curriculum.
Bukod dito, ayon kay VP Sara, napag-usapan din sa pulong ang plano ng nasabing mall na maglunsad ng Super Spelling Bee na lalahukan ng mga mag-aaral sa pampubliko at pribadong paaralan.
Layon nitong maibalik ang interes ng mga kabataan sa tamang pagbaybay na mahalaga para sa maayos na komunikasyon.
Nagpasalamat naman ang Pangalawang Pangulo sa patuloy na suporta sa mga sa mag-aaral at sinabi nitong bukas ang DepEd sa mga pakikipagtulungan upang mapabuti at maiangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa. | ulat ni Diane Lear
📷: OVP