Kinumpirma ng kilalang coffee shop na Starbucks na binawi na nila ang naunang kautusang inilabas na nagpapataw ng cap o limitasyon sa 20% discount na maaaring i-avail ng mga senior citizen at persons with disability.
Ito ang lumabas sa ginawang pagdinig ng Kamara hinggil sa isyu ng tamang pagpapatupad sa discount privilege ng mga senior citizen at PWD.
Ayon kay Angela Cole, operations director ng Starbucks Coffee, nagkaroon sila ng pagkakamali sa paglalabas ng kautusan at agad nang ipinag-utos ang pagtatanggal ng naturang signange.
Paliwanag niya, mali ang naging wording ng signage kung saan nililimitahan lang ang diskwento sa isang food item at isang inumin.
Dahil naman dito, humirit si Ways and Means Committee Chair Joey Salceda na magbigay dapat ang Starbucks ng buy-one-take-one offer o kaya’y palibre sa mga senior at PWD.
Punto ni Salceda, paglabag sa batas ang kanilang ginawa at hindi sapat ang paghingi lamang ng paumanhin.
“You violated the law. Saying sorry is not enough. We will consider initiating prosecution,” sabi ni Salceda sa pagdinig.
Maliban sa naturang kapihan, isang kilalang bakery chain din ang naglilimita sa 20 percent discount sa isang slice lamang ng cake.
Tinukoy din sa pagdinig ang isang hotel sa Pasig na hindi nagbigay ng diskwento dahil sa naka-promo na raw ang kanilang rate.
Ngunit ayon sa batas applicable lamang ang hindi pagtanggap sa diskwento kung ang promo at aprubado ng DTI.
Naihabla na ang naturang hotel at may arrest warrant na rin sa mga opisyal nito. | ulat ni Kathleen Forbes