Tiniyak ni PNP Officer in Charge, Deputy Chief for Administration Police Lt. Gen. Rhodel Sermonia na dadaan sa kaukulang imbestigasyon ang mga pulis na idinawit sa iba pang kaso ng pagpatay sa Negros Oriental.
Ang pagtiyak ay ginawa ni Sermonia kasunod ng pagbubunyag kahapon sa pulong balitaan sa Camp Crame ng abogado ng pamilya ng pinaslang na Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ayon kay Atty. Levito Baligod, may mga testigo na lumapit sa kanila na nagsabing mga pulis ang tumayong spotter ng mga pumatay sa iba’t ibang biktima sa lalawigan.
Base aniya sa nakalap nilang mga testimonya, may 64 pang insidente ng pagpatay ang posibleng kinasangkutan ng grupo na nasa likod ng pagpatay kay Gov. Degamo noong Marso 4.
Sinabi naman ni Sermonia na sa oras na matanggap nila ang listahan ng mga tinutukoy na pulis ay dadaan ito sa tamang proseso katulad ng ginawang pag-relieve sa mga pulis sa Negros Oriental sa unang bahagi ng imbestigasyon.
Siniguro pa ni Sermonia na tuloy-tuloy din ang ginagawang imbestigasyon ng Special Task Group Degamo, para matukoy ang mga pulis na posibleng konektado sa mastermind ng krimen. | ulat ni Leo Sarne