Isinusulong ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. ang pagbabalik sigla sa aquaculture potential ng Laguna de Bay, ang pinakamalaking fresh water lake sa bansa.
Ayon sa kalihim, mahalagang mapagtuunan muli ang Laguna de Bay dahil maaari itong mapagkunan ng suplay ng isda sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Batay sa datos ng Laguna Lake Development Authority (LLDA), may kapasidad ang Laguna de Bay na makapag-produce ng 90,000 tonelada ng fresh water fish kada taon at makapaghatid ng kita sa tinatayang 13,000 mangingisda.
Sa pamamagitan nito, posible aniyang maging abot-kaya ang isda gaya ng bangus na maibalik sa P50-P70 kada kilo.
“Our aim is to produce more food at lower prices. For example, bring back bangus prices to ₱50-₱70 per kilo. Maximizing the aquaculture potential of Laguna Lake is essential to achieving that goal. If we can add more capacity, then let’s do it,” ayon kay Secretary Tiu Laurel.
Una nang humiling ng tulong ang aquaculture associations sa Laguna Lake sa Department of Agriculture para matugunan ang kanilang concerns sa tumataas na mortality ng fingerlings sa mga fishpen, at reintroduction ng fresh water.
Ayon naman kay Sec. Laurel, makikipagpulong ito sa LLDA, sa pangunguna ni Environment Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga, para talakayin ang mga plano at programa para sa Laguna Lake, pati na ang guidelines sa pagbubukas ng flood gates para sa mas produktibong aquaculture industry.
Kaugnay nito, inatasan na rin ng kalihim ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na suriin ang kalidad ng tubig sa naturang lawa kada quarter para mas mapag-aralan ang kapasidad ng Laguna Lake. | ulat ni Merry Ann Bastasa