Lumagda ng isang kasunduan ang Department of Tourism (DOT) katuwang ang Department of Migrant Workers (DMW) para sa kababayan nating OFWs na nais magbalik bansa upang muling magtrabaho o magtayo ng sariling negosyo sa bansa.
Ang naturang Memorandum of Understanding ay para sa Balik Bayani sa Turismo Partnership Program na magkaroon ng option ang ating OFWs na umuwi na sa bansa upang dito na lamang muling magtrabaho o magnegosyo gamit ang kanilang naipon sa pagtatrabaho sa ibayong dagat.
Ayon kay Tourism Secretary Secretary Christina Frasco, layon ng kanilang MOU sa DMW na mabigyan ang mga OFW na nais nang bumalik sa bansa ng mga opsyon upang dito na lamang magtrabaho sa Pilipinas.
Dagdag pa ni Frasco na ito’y kaugnay ng pag-boom ng tourism sector ng Pilipinas at patuloy na pagdagsa ng mga foreign tourists sa bansa.
Ayon naman kay DMW OIC Undersecretary Hans Leo Cacdac, ito’y isang magandang opsyon sa ating mga OFW na nais na lamang magtrabaho sa bansa at makapagnegosyo sa sektor ng turismo upang hindi na mahiwalay sa kanilang mga pamilya. | ulat ni AJ Ignacio
📸: DOT