Patuloy ang pagdagsa ng mga nakikilahok ngayong araw sa Pista ng Santo Niño de Tondo sa Maynila na sinimulan sa prusisyon kaninang madaling araw at sunod-sunod na misa.
Ayon sa tala ng Manila Police District, umabot sa 6,000 katao ang nakilahok sa isinagawang Maringal na Prusisyon kung saan iba’t ibang karosa ng mga Santo Niño ang nakilahok.
Habang kanya-kanya ring dala ng mga imahen ng Santo Niño ang mga dumadalo sa kada oras na misa sa Archiocesan Shrine of Santo Nino o Tondo Church na nagsimula pa kaninang hatinggabi at isasagawa hanggang alas-11:00 ng gabi ngayong araw ng Linggo.
Maliban sa mga deboto ay samu’t saring paninda rin ang makikita sa paligid ng simbahan, sinasamantala ang dagsa ng mga taong bumibisita sa lugar. May mga ilang may tindang mga imahen ng batang Hesus, mga kasuotan, mga lobo, laruan, at ilang mga religious item.
Agaw atensyon naman ang ilang mga bata na sinuotan ng ala-Sto.Niño habang akay-akay ng kanilang mga magulang.
Matapos ang misa, nagsagawa ng pagwiwisik ng banal na tubig para sa mga dumalo at sa mga nagdala ng kaniya-kaniyang mga Santo Niño.
Maaalalang matapos ang tatlong taon na walang Lakbayaw dahil sa pandemya, ngayong taon lang muling idaraos tulad nang nakagawian ang Pista ng Sto. Niño dito sa Tondo sa Maynila. | ulat ni EJ Lazaro