Marami pang alkalde sa buong bansa ang nagbigay ng suporta sa agresibong pagsisikap ng Land Transportation Office (LTO) na i-renew ang rehistro ng delinquent vehicles sa buong bansa.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza II, nagtungo sa kanyang tanggapan si Quezon, Bukidnon Mayor Pablo Lorenzo para lang ipaalam ang patuloy na pagkumbinsi nito sa mga vehicle owner na iparehistro ang kanilang sasakyan na expired na ang rehistro.
Nakipagpulong din ang tatlong alkalde mula sa Oriental Mindoro sa LTO Pinamalayan District Office para din sa pagpapaigting ng kampanya.
Kinilala ni Mendoza ang suporta ng mga local chief executives sa pagpapatupad ng ‘No Registration, No Travel’ Policy.
Malaking tulong aniya ito sa pagsulong ng kaligtasan sa kalsada at pagsunod sa mga regulasyon ng pagmamay-ari ng sasakyan.
Hinimok pa ni Mendoza, ang lahat ng regional directors at head ng district offices na makipagtulungan sa local government units (LGUs) at iba pang stakeholders para sa ikakatagumpay ng kampanya. | ulat ni Rey Ferrer