Nanawagan si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa publiko na i-report sa mga kinauukulan ang anumang insidente ng panunuhol para makakuha ng pirma sa isinusulong na people’s initiative para sa charter change (chacha).
Sa isang pahayag, umapela si Villanueva sa mga nagoyo, nabudol, gustong magreklamo at bawiin ang kanilang pirma na huwag matakot magsumbong.
Hinikayat ng majority leader ang mga ito na magpadala o mag-post ng video, larawan, o screenshot ng mga mensahe ng panunuhol.
Ipinabatid rin ng senador na ipagbigay alam sa kanila ang kanilang pangalan, tirahan at contact details para matulungang maprotektahan at maipagtanggol ang karapatan ng magsusumbong.
Muling binigyang diin ni Villanueva na hindi dapat isangkot ang mga ayuda o pera sa pangangalap ng pirma para people’s initiative.
Mahalaga aniyang mulat at nabibigyan ng tamang impormasyon ang ating mga kababayan tungkol sa tamang proseso para sa people’s initiative. | ulat ni Nimfa Asuncion