Kinumpirma ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na si dating Presidential Spokesperson Harry Roque na ang legal counsel niya at ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong kinakaharap nila sa International Criminal Court (ICC).
Matatandaang una nang sinabi noon ni Dela Rosa na kinuha niya si Senador Francis Tolentino bilang kanyang abogado kaugnay ng ICC case.
Pero ngayong araw, sinabi nga ng senador na si Roque na ang tatayong lead counsel o abogado niya at ni dating Pangulong Duterte.
Paliwanag ni Dela Rosa, masyadong abala si Tolentino para sa kanyang re-election pero tutulong pa rin ito sa kanyang kaso sa ICC.
Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod na rin ng impormasyon mula kay dating senador Antonio Trillanes IV na nakapag-imbestiga na sa dito sa Pilipinas ang mga prosecutor ng ICC.
Sinabi ni Dela Rosa na may napag-usapan na sila ng abogado niyang si Roque tungkol dito pero hindi na niya ito ibinahagi pa sa media.
Muli namang tiniyak ng mambabatas na haharapin niya ang ICC investigation at hindi siya magtatago kung papayagan ng pamahalaan na mag-imbesitga ang ICC. | ulat ni Nimfa Asuncion